You are currently browsing the monthly archive for October 2006.

       Kung mapapansin ninyo, matapos ang pagbabasa ng aking abang kuro-kuro sa mga nakaraang blogs, hindi ako madalas magpahayag ng aking mga politikal na opinyon. Bakit? Ito ay sa kadahilanang masyado nang maingay ang aking sinilangang bansa. Lahat ng tao may kanya-kanyang opinyon. Lahat ay sabay-sabay nagsasalita subali’t wala namang nakikinig. Ayaw ko na sanang dumagdag pa sa ingay. Nais ko na lang sanang makinig at tumugon na lamang kung tinatanong.

       Sa ngayon, pasumandaling kakalimutan ko muna ang aking pinang-hahawakang prinsipyo.

       Karapatan ng bawa’t nilalang na malayang makapamahayag ng kanyang saloobin. Kaaya-aya man o di kanais-nais sa ating pandinig, ito’y isang karapatang dapat igalang. Isang krimen ang pigilin ito.

       Sa loob nang napakaraming taon, ang pamahayagan ng Unibersidad ng Pilipinas, ang “Philippine Collegian” ay tumayong simbulo ng malaya at makatotohanang pamamahayag sa para sa mga kasalukuyan at nagdaang mag-aaral ng UP. Masyado daw ideyalistiko sabi ng iba. Pero sa tingin ko, hindi naman. Ang hirap kasi sa mga taong ating tinatawag na “realistic”, kapag masyadong masakit ang katotohanan, napakadali na lamang sabihin na hindi ito angkop sa totoong buhay.

       Kaninang tanghali nabasa ko sa isang pahayagan na may banta sa simbulong ito. Hindi ko na ipapaliwanag kung ano ito. Basahin nyo na lamang dito:

http://opinion.inq7.net/inquireropinion/letterstotheeditor/view_article.php?article_id=24379

       Ako’y nabahala sapagka’t napansin kong nanganganib na mangyari na naman muli ang ating dinanas noong panahon ni Marcos (halos wala pa akong muwang noon, ngunit sa aking paglaki, ipinaunawa sa akin ang hirap at takot na dinanas ng ating mga kababayan). Sa kasalukuyan, halos linggo-linggo ay may mamamahayag na pinapaslang. Kapansin-pansin na ang mga salungat sa pamahalaan ay isa-isang pinapatay o di naman kaya ay naglalaho na lamang na parang bula.

       Matapos i-post ito, ako ay babalik muli sa pakikinig. Subalit sa aking pananahimik, sana supportahan naman ninyo, aking mga mambabasa, ang adhikain ng pahayagang ito. Mga nagdaan, kasalukyan, di nagtapos, o di pa ring gumagradyuweyt na mag-aaral ng UP, tignan natin kung ano ang ating magagawa. Hindi natin malulutas ang problema ng buong bansa kung hindi tayo magsisimula sa ating sariling bakuran.

http://www.philippinecollegian.net/index.htm

       Bilang pangwakas, nais ko lamang linawin na hindi ako naging staffer ng Collegian nuong ako ay nasa kolehiyo. Hindi rin ako masasabing isang tibak (o aktibista). Ako ay isa lamang sa mga libo-libong mag-aaral na pumulot ng isang kopya ng Collegian at nagbasa nito. Hinangaan ko ang tapang at talas ng isip ng mga nagsusulat dito. Isang malaking kalapastanganan ang kitilin ang tinig na ito ng mga nilalang na ang pinaiiral lamang ay ang pansariling interes.

Advertisements